Kasaysayan ng Gabay

Page 1 of 2
Forward >>>

Isa sa mga pinakamatatandang organisasyon sa Ateneo na nananatiling aktibo at punung-puno ng kasiglahan ang Gabay. Itinatag noong 1976 ni Gng. Chit Concepcion (Tita Chit para sa mga Gabayano) kasama ang ilan pang mga estudyante, unti-unting lumaki at nakilala ang organisasyong ito sa buong komunidad ng Ateneo.

Bilang tugon sa dumaraming bilang ng mga iskolars na nagsisimulang makapasok sa Ateneo, nakipagpulong si Fr. Bienvenido Nebres, dekano noon na ngayo’y pangulo na ng Ateneo, kay Gng. Concepcion at hinikayat itong magtayo ng isang organisasyong tutugon sa mga pangangailangan ng mga unang iskolar ng Ateneo at magbibigay sa kanila ng tahanan dito. Sa tulong ng mga nangunguna at naggagalingang estudyante sa kolehiyo, ay tinipon nila ang mga iskolar at nabuo ang Gabay na noo’y may layuning tumugon sa mga pang-akademikong pangangailangan ng mga iskolar at sa pag-aangkop ng kanilang sarili sa naiibang komunidad ng Ateneo. Isinagawa nila ito sa pamamagitan ng sistemang kapatiran kung saan ang bawat isang iskolar ay may ate o kuya na maari niyang lapitan at hingan ng tulong.

Naging epektibo ito sa pagbibigay ng lakas ng loob sa mga iskolar noon at sa kanilang pag-aangkop sa buhay kolehiyo. Pagkatapos nito’y gumawa rin sila ng iba pang mga gawaing higit na makatutulong sa mga iskolar tulad ng sportsfest, summer job programs, book lending, atbp. Nagkaroon din sila ng mga fund raisers para sa mga gastusin ng samahan sa pamamagitan ng caroling atbp.

Mula sa pagtuon sa mga pangangailangan ng mga kasapi nito ay nakita ng Gabay ang pangangailangang tumugon naman sa tawag ng lipunan na makisangkot dito at tumulong sa mga taong nakalimutan na ng iba. Nagsimulang dumalaw at tumulong ang Gabay sa mga institusyon at ospital na naglilingkod sa mga mahihirap at maysakit o may kapansanan tulad ng National Orthopedic Hospital, Cribs at iba pa noong mga unang taon ng dekada otseinta. Pagkaraan ng ilang taon ay nagbago ang erya o lugar na pinaglilingkuran ang Gabay at nakita nitong mas higit na makatutulong sa problema ng lipunan kung tutulong ito sa paghubog at pagbibigay-kaalaman sa mga batang nag-aaral sa mga pampublikong paaralan. Sa pagtatapos ng 1980’s ay nagsimulang magpalit ng erya ang Gabay at ito’y nagturo at dinala ang pamamaraang Heswita sa mga paaralang tulad ng Mababang Paaralan ng Barangka, Belarmino at T. Alonzo.

Hindi naglaon at nakapagpasok na rin ang Gabay ng mga magagaling nitong estudyante bilang iskolar. Sa kasalukuyan, may higit sa limang lalaki na ang nakapagtapos ng haiskul (at sa kolehiyo na rin) sa Ateneo sa tulong ng Gabay at ng kapatid nito so paglilingkod, ang Tulong-Dunong. Maliban dito, napagtapos na rin ng Gabay, sa tulong ng isa pa nitong katuwang na organisasyon, ang Education Nurtured in Christ, ng dalawang mag-aaral sa Miriam Highschool. Sila ay sina Jeniffer Pangilinan na ngayon ay nasa ikalawang taon sa U.P. Diliman at si Christina Reyes na nasa ika-apat na taon na sa Miriam College. Bukod pa rito, nakapagpatapos na rin ang Gabay, sa tulong pa rin ng ENC ng tatlong mag-aaral sa Stella Maris School. Sila ay sina Celyn Borreta, Pamela Castillo, at Monica Almaden na kapwa nasa kolehiyo. Sa kasalukuyan, mayroong isang scholar ang Gabay. Si Mark Joseph Jimenez ay nasa ikalawang taon sa Ateneo High School.